PAHAYAG NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG LUNGSOD QUEZON
Tungkol sa Pagkamatay ng Isang Ride-Hailing App Driver
Nakikiramay ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa pamilya at mga naiwang mahal sa buhay ni Fabio Norberte Jr., isang QCitizen.
Lubos naming ikinalulungkot ang karumal-dumal na pagpaslang sa kanya habang naghahanapbuhay bilang ride-hailing app driver.
Nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa pamilya para umalalay sa burial services para kay Ginoong Norberte.
Magbibigay rin ng medical assistance sa kanyang naiwang anak at magulang.
Isinangguni na ng lungsod ang kanilang kalagayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan pa sila ng karagdagang suporta.
Mahigpit ding tututukan ng Pamahalaang Lungsod ang imbestigasyon sa kasong ito at makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak na mapapanagot ang may sala at makamit ang hustisya para kay Ginoong Norberte at sa kanyang pamilya.




